Sa halos ilang beses kong pagpapabalik-balik na ng Laguna at Buendia, ito na atang biyahe ko ngayong araw ang masasabi kong “pinakamabilis”. Hindi kagaya sa mga nakaraan kung saan sa tingin ko ay tila napakabagal ng patak ng oras dahil sa kasabikang makapunta agad sa kanilang bahay, ngayon, lulan ako ng bus pabalik baon ang pangako na magkikita-kita kaming muli sa ikatlong linggo ng Agosto.
Nakakatawang isipin na tama si Miguel — marami ngang maaring mangyari pa sa loob ng dalawang linggo.
Hagalpak pa ang aking tawa noong pabirong sinabi ni Miguel habang umiinom kami sa pop-up na “yan ay kung may kayo pa sa 24.” (pinakiramradaman ko pa siya) noong sinabi kong sa ikatlong linggo na ng Agosto ako posibleng makabalik muli.
Sa ngayon, ang sigurado ako, mula noong nasa bus ako papuntang Buendia.
Hanggang sa loob ng tren na biyaheng 5th Avenue.
At sa lahat ng kantong nilalakaran ko papunta sa bahay nila sa kanto ng Banawe.
Wala nang kirot at bigat sa dibdib ko.
Kaya ko nang muling makipag-usap at kumain ng siomai kasama siya na hindi iniisip kung ang gagawin ko ba ay magugustuhan niya o hindi dahil ngayon kakampi na ng diwa ko ang aking sarili. Pagmamay-ari ko nang muli ang aking wisyo’t ulirat.
